Diabetic Retinopathy: Pagsailalim sa Vitrectomy
Mayroon kang diabetic retinopathy. Nangyayari ang kondisyong ito kapag pinipinsala ng diabetes ang mga daluyan ng dugo sa likod ng mata. Maaari itong magdulot ng malabong paningin at iba pang problema. Maaaring makatulong sa iyo ang operasyon na vitrectomy upang makakita ka nang mas malinaw.
Ano ang vitrectomy?
Karaniwang malinaw ang gel (vitreous humor) na pumupuno sa mata. Ngunit kapag may diabetic retinopathy, maaari itong maging malabo dahil sa dugo o mga dumi. Habang sumasailalim sa vitrectomy, aalisin ng tagapangalaga ng mata ang malabong gel. Pinapalitan ito ng likido, silicone oil, o gas. Maaari ding gamutin ang retina kung mayroong scar tissue. Makatutulong ito upang makakita ka nang mas malinaw. Kung may problema ka pa rin sa paningin matapos ang iyong operasyon, maaaring kailanganin mo ng karagdagang operasyon. Maaaring gawing posible ng vitrectomy na maisagawa ang iba pang pamamaraan upang ibalik ang paningin. Kasama rito ang mga laser treatment para sa diabetic retinopathy. O paghiwalay ng retina.

Paghahanda para sa operasyon
-
Sabihin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa lahat ng gamot na iniinom mo. Kasama rito ang over-the-counter at inireresetang mga gamot, bitamina, herbal, at supplement. Kasama rin dito ang aspirin, ibuprofen, ginkgo, at warfarin o iba pang pampalabnaw ng dugo.
-
Bago ang operasyon, makikipagkita ka sa isang doktor (anesthesiologist) na magbibigay ng gamot para kontrolin ang pananakit. Pag-uusapan ninyo ang uri ng gamot sa pananakit at pampatulog (anesthesia) na ibibigay sa iyo sa operasyon.
-
Hihingin sa iyo na pumirma sa isang form ng pahintulot. Ipinapaliwanag nito ang mga panganib ng pamamaraan. Sa pagpirma sa form, sumasang-ayon ka sa operasyon. Tiyakin na masagot ang lahat ng tanong mo bago pirmahan ang form.
Sa panahon ng operasyon
Sa panahon ng operasyon, gagawa ng maliliit na hiwa ang doktor sa puti ng mata (sclera). Ipapasok sa mga hiwa ang maliliit na kasangkapan. Inaalis ang vitreous. Pinapalitan ito ng isang bagay na magpapanatili ng retina sa puwesto nito. Maaari itong solusyon ng tubig alat (saline). O maaari itong silicone oil o isang gas bubble. Maaaring abutin ng ilang oras ang operasyon.
Pagkatapos ng operasyon
-
Dapat kang magpahatid sa bahay sa isang nasa hustong gulang na kapamilya o kaibigan. Magsuot ng madilim na salamin sa mata sa pag-uwi.
-
Bago umalis, sasabihin sa iyo kung paano protektahan at pangalagaan ang iyong mata. Kakailanganin mong gumamit ng pampatak sa mata sa loob ng ilang araw. Kailangan ito upang mabawasan ang pamamaga at maiwasan ang impeksiyon. Huwag kusutin, hipuin, o iuntog ang iyong mata.
-
Maaaring kailanganin mong magsuot ng pantapal sa mata sa loob ng ilang araw o ilang linggo.
-
Maaaring sabihin sa iyo ng surihano na sandaling humiga nang nakadapa pagkatapos ng operasyon. Tumutulong ito sa paghilom ng retina.
-
Itanong sa iyong tagapangalaga kung gaano katagal maghihintay bago ka muling maaaring magbuhat ng mga bagay, mag-ehersisyo, o lumangoy. Itanong kung kailan ka maaaring magmaneho at bumalik sa trabaho.
Bago ka umalis, alamin ang numero na tatawagan kung mayroon kang mga tanong o problema kapag nakauwi ka na. Dapat ka ring magkaroon ng nakasulat na mga tagubilin sa pagpapauwi. Kung malabo ang iyong paningin, hilingin sa tagapangalaga na i-print ang impormasyon sa mas malaking letra na kaya mong basahin.
Pagkontrol sa pananakit
Maaaring magdulot ng kaunting pananakit ang vitrectomy. Bibigyan ka ng gamot para kontrolin ang pananakit na ito. Kung magpatuloy o lumala ang pananakit, sabihin sa iyong tagapangalaga.
Mga posibleng panganib at komplikasyon
Kasama sa mga panganib at posibleng komplikasyon ang:
-
Pamamaga o pagbagsak ng talukap ng mata
-
Pagkaduling o panlalabo ng paningin
-
Paghiwalay ng retina
-
Pagdurugo ng puti ng mata (sclera)
-
Pagtutubig o may mapulang lumalabas
-
Pananakit
-
Malabong lens ng mata (katarata)
-
Hindi lumilinaw ang paningin
Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan
Pagkauwi mo sa bahay, tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang:
-
Mas maraming pananakit, pamumula, o pagluluha na maaaring nangangahulugan na maryoon kang impeksiyon sa mata
-
Mga problema sa paningin pagkatapos alisin ang tapal sa mata
Online Medical Reviewer:
Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Online Medical Reviewer:
Robert Hurd MD
Date Last Reviewed:
12/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.