Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Paggamot sa Pulmonya

Ang pulmonya ay laging nangangailangan ng maagap na pangangalagang medikal. Kapag maagang naumpisahan ang paggamot, malamang na maaga rin ang iyong paggaling. Minsan kailangan ang pananatili sa ospital. Subalit maraming tao ang maaaring gamutin sa bahay. Bagaman bumuti na ang iyong pakiramdam, tiyakin na patuloy pa ring sinusunod ang mga tagubilin ng iyong doktor. Inumin ang mga iniresetang medikasyon ayon sa inuutos. At pagtiyagaan ang iyong sarili. Tatagal pa ng panahon bago bumalik ang antas ng iyong enerhiya. Kung hindi sapat ang iyong pamamahinga, ang impeksiyon ay maaaring bumalik.

Antibiotics

Ang maaagang paggamot gamit ng antibiotics ang maghihinto ng impeksiyon at gagamot ng pulmonya na sanhi ng bakterya. Ang mga medikasyong ito ay maaaring magsanhi ng mga side effect kung minsan, kabilang ang pangangalam ng tiyan. Sabihin sa iyong doktor kung ikaw ay nagkaroon ng side effect sa nagdaang panahon. Banggitin din kung ikaw ay umiinom ng iba pang medikasyon. Tiyakin na masupil ang lahat ng impeksiyon, patuloy na inumin ang iniresetang antiobiotic hanggang sa maubos ito, kahit pa mabuti na ang iyong pakiramdam Sundin ang mga tip na ito:

  • Magpareseta at umpisahan agad ang pag-inom ng iyong medikasyon.

  • Iwasan ang paglaktaw o pagdoble ng iyong dosis.

  • Inumin ang iyong dosis sa parehong oras kada araw hanggang sa maubos ang inireseta. Huwag itigil ang pag-inom nito, kahit pa mabuti na ang iyong pakiramdam.

  • Gumamit ng pillbox kung nahihirapan kang tandaan ang pag-inom ng iyong medikasyon.

  • Ipaaalam sa iyong doktor kung ikaw ay mayroong side effect. Maaaring baguhin ng iyong doktor ang iniresetang antibiotic kung ikaw ay may problema sa side effect.

  • Inumin ang iyong medikasyon alinsunod sa inuutos sa label. Makipag-usap sa iyong parmasyotiko kung mayroon kang mga tanong.

Lunas sa Sintomas

May ilang medikasyon na makakatulong sa paglunas ng mga sintomas ay mabibili sa botika (na walang reseta). Ang Acetaminophen (Tylenol) at iba pang medikasyong pampapawi ng sakit ay makakaluwag ng pananakit ng dibdib nang dahil sa pag-ubo. Ikaw rin ay maaaring painumin ng cough syrup na may expectorant para lumuwag ang uhog at ng suppressant para matigil ang pag-ubo. Huwag inumin ang alinman sa mga medikasyong ito nang hindi mo pa nakakausap ang iyong doktor o parmasyotiko. Maaaring nais ng iyong doktor na ikaw ay umubo para maaalis ang uhog sa iyong baga.

Mga Espesyal na Paggamot

Sa ospital, ikaw ay maaaring bigyan ng ilang paggamot para makatulong sa iyong paggaling. Ang mga paggamot na ito ay maaaring ituloy sa bahay. Maaaring kabilangan ito ng:

  • Panlanghap na medikasyon upang mabuksan ang iyong airways.

  • Oksiheno upang makagaan sa iyong paghinga.

  • Mga pamamaraan upang lumuwag o matanggal ang sobrang uhog sa iyong baga. Maaaring kabilang dito ang postural drainage (paghiga kung saan ang iyong dibdib ay mas mababa sa iyong tiyan) o ang paggamit ng hinahawakang kagamitan na positive expiratory pressure (PEP).

Tagapangalaga ng kalusugan na gumagamit ng stethoscope sa dibdib ng lalaking nasa kama ng ospital.

Uminom ng Fluids at Kumain ng Malusog

Ang fluids ay tumutulong upang mapanipis at mapaluwag ang uhog. Itanong sa iyong doktor kung kailangan mong dagdagan ang pag-inom ng fluid. Kung magkagayon, uminom ng hindi bababa sa 6–8 na baso ng fluids kada araw. Tubig at juice ang pinakamabuti. Ang pagpili ng malusog na pagkain, kabilang ang mga prutas at gulay, ang siyang nagbibigay ng lakas sa iyong katawan upang labanan ang impeksiyon. Kung hindi ka nagugutom, subukan kumain ng maliliit na pagkain o malulusog na miryenda sa buong araw, sa halip na tatlong malalaking pagkain.

Alamin ang Pinakamabuting Paraan ng Pag-ubo

Maaari kang turuan ng iyong healthcare provider ng paraan ng epektibong pag-ubo. Ang prosesong ito ay makakatulong upang maiubo mo palabas ang uhog.

  • Umupo sa upuan na nakalapat ang dalawang paa sa sahig. Itupi ang isang braso sa iyong tiyan.

  • Huminga ng isang mabagal, malalim na paghinga sa pamamagitan ng iyong ilong. Bahagyang kumiling paunahan.

  • Umubo ng 2 maigsi, matalas na pag-ubo sa tisyu. Habang umuubo, marahan na itulak ang iyong braso sa iyong tiyan. (Maaari ka ring maglagay ng unan sa iyong tiyan.)

  • Saglit na magpahinga. Pagkatapos ay huminga uli ng isang mabagal, malalim na paghinga at ulitin ito.

Magpahinga nang Marami

Kahit pa gaano kabuti ang iyong pakiramdam, kailangan mo ng maraming pahinga. Itakda ang iyong sarili. Maging matiyaga. Maaaring magtagal ng ilang linggo o buwan bago maibalik ang iyong enerhiya. Normal na mapagod at mabagal ang pagbalik ng lakas. Kausapin ang iyong doktor ukol sa kung kailan mo maibabalik ang iyong normal na aktibidad.

Madalas na Maghugas ng Iyong mga Kamay

Upang maiwasan ang pagkalat ng pulmonya sa iba, ugaliin ang mabuting kalinisan. Ang mikrobiyo ay kumakalat sa mga kamay, kaya maghugas ng iyong mga kamay pagkatapos malantad sa mga pinagmulan ng mikrobiyo. Kabilang dito ang mga pampublikong lugar (gaya ng mga tindahan), mga bata, o mga taong may sakit. Ikuskos ang iyong mga kamay sa sabon at tubig nang 20–30 segundo. Kuskusin ang pagitan ng iyong mga daliri at ang ilalim ng iyong mga kuko. Lubos na patuyuin ang iyong mga kamay gamit ng tuyong tela o papel na tuwalya.

Kailan Tatawagan ang Doktor

Kung susundin mo ang plano ng paggamot sa iyo, gagaan na dapat ang iyong pakiramdam sa loob ng 48–72 oras. Tawagan ang iyong doktor kung may napansin sa alinman sa mga sumusunod:

  • Biglang paglala ng mga sintomas

  • Pagtaas o pagbalik ng lagnat

  • Paglala ng kahirapan sa paghinga

  • Nag-iba ang kulay ng uhog at dumami ito

  • Lalong lumala ang pag-ubo

  • Pagiging kulay asul ng mga labi at daliri (ito ay sinyales ng kakulangan sa oksiheno)

  • Mayroon side effect mula sa iyong medikasyon

Online Medical Reviewer: Andrew D Schriber MD
Online Medical Reviewer: Jessica Gotwals RN BSN MPH
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 12/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.