Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Paglabas ng Ospital mula sa Operasyon Bilang Outpatient

Nakaiskedyul ka para sa operasyon bilang outpatient. Tinatawag din itong operasyon sa parehong araw o para sa mga nakakalakad (ambulatory). Makatutulong sa iyo ang papel na ito upang matutunan kung ano ang aasahan pagkatapos ng iyong operasyon.

Pag-uwi sa bahay

Sasabihin sa iyo kung kailan ka maaaring umuwi sa bahay pagkatapos ng iyong operasyon. Kung binigyan ka ng gamot (anesthesia) upang makatulog ka at maiwasan ang kirot, maaari ka pa ring makaramdam ng pagkahilo o masakit ang tiyan.

  • Tiyakin na may miyembro ng pamilya na nasa hustong gulang o kaibigan na handang ipagmaneho ka pauwi ng bahay.

  • Kung kailangan mo ng mga saklay o iba pang kagamitan, tiyakin na ipinakita sa iyo kung paano gamitin ang mga ito. Kung magagawa mo, isama ang isang miyembro ng pamilya o kaibigan na makikinig sa mga tagubilin.

  • Magkaroon ng isang tao na handang samahan ka sa unang gabi man lang.

Pagpapagaling sa bahay

Sa bahay, sundin ang lahat ng mga tagubilin na ibinigay sa iyo.

  • Huwag magmaneho o gumawa ng anumang malaking desisyon sa loob ng hindi bababa sa 24 na oras pagkatapos mabigyan ng anumang pampakalma o pampamanhid. 

  • Panatilihing malinis at tuyo ang anumang pantapal o benda na mayroon ka. Alamin kung kailan mo maaaring palitan o tanggalin ang benda. Tanungin kung kailan ka maaaring mag-shower o maligo ulit.

  • Sundin ang mga tagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa pagkain at inumin. Sa una, maaaring masakit ang iyong sikmura. Maaari mong maramdamam na ayaw mong kumain ng marami. Uminom ng maraming malinaw na likido gaya ng tubig, katas ng mansanas, o salabat.

  • Sundin ang mga tagubilin para paggamot ng pagtitibi.

  • Maliban kung pinagbawalan ka, tumayo at gumalaw-galaw sa paligid. Tinutulungan ka nitong gumaling. Kadalasang inirerekomenda ang paglalakad nang ilang beses sa isang araw.

  • Gumawa ng mga ehersisyo na paghinga nang malalim o pag-ubo ayon sa itinagubilin. Tumutulong ito upang panatiling malinaw ang iyong mga baga.

  • Siguraduhing sundin ang lahat ng mga tagubilin pagkatapos ng pangangalaga sa ospital. 

  • Huwag muling simulan ang pag-e-ehersisyo hangga't hindi mo naitanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Kabilang dito ang ehersisyo gaya ng pagtakbo o pagbubuhat ng mabigat (weightlifting).

  • Sundin ang payo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan sa kung kailan ka muling makapagmamaneho.

  • Tanungin ang iyong tagapangalaga ng kalusugan kung kailan ka maaaring bumalik sa trabaho.

Pag-inom ng mga gamot

Maaari kang bigyan ng gamot para sa pananakit o iba pang mga gamot pagkatapos ng operasyon.

  • Uminom ng gamot sa kirot sa regular na oras ayon sa itinagubilin. Huwag hintayin na lumala ang sakit bago mo ito inumin. Uminom lamang ng dami ng gamot sa kirot ayon sa inireseta.

  • Huwag magmaneho, gumamit ng mga kagamitang de-kuryente o iba pang mapapanganib na makina, o uminom ng alak habang umiinom ng gamot sa kirot.

  • Kung binigyan ka ng mga antibiotic, inumin ang mga ito hanggang maubos ito o sinabihan kang ihinto ito. Kung nahihirapan kang inumin ang mga ito o may masasamang epekto, tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.

Pag-follow up

Maaaring tawagan ka ng sinuman mula sa iyong pangkat ng tagapangalaga upang kumustahin ang pakiramdam mo. Sabihin sa kanya kung mayroon kang anumang problema o tanong.

 Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tumawag kung mayroon ka ng alinman sa mga sumusunod:

  • Hindi mo malunok ang pagkain o likido

  • Hindi ka umihi sa loob ng oras na sinabi ng iyong pangkat ng tagapangalaga

  • Hindi ka pa nadumi sa loob ng oras na sinabi ng iyong pangkat ng tagapangalaga

  • Nabababad ang iyong benda (normal ang ilang pagdurugo at pagtagas ng dugo)

  • Tumitindi ang iyong pananakit at hindi maibsan ng gamot sa kirot

Tumawag kung mayroon ka ng alinmang palatandaan ng impeksyon:

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan

  • Pagdurugo o pamamaga na dumarami

  • Mabahong amoy, mainit, maberde o madilaw na lumalabas mula sa hiwa (incision)

  • Mapula, matigas, mahapdi, o masakit na bahagi sa paligid ng hiwa o sa iyong mga binti

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 o sa mga serbisyong pang-emergency kung makaranas ka ng:

  • Kakapusan sa hininga

  • Pananakit ng dibdib

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.